Inalerto na ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ang regional offices nito kaugnay sa bagyong Lando.
Sa katunayan, ipinabatid ni NDRRMC Spokesperson Mina Marasigan na naka-blue alert na sila simula pa kahapon nang pumasok sa PAR o Philippine Area of Responsibility ang nasabing bagyo.
Tiwala naman ang NDRRMC na makakatulong ang ibubuhos na ulan dulot ng bagyong Lando sa pagtaas ng water level sa mga dam para maibsan ng bahagya ang epekto naman ng El Niño phenomenon.
Ramdam na sa Visayas
Unti-unti nang nararamdaman ang bagyong Lando sa eastern Visayas habang papalapit ito sa Luzon.
Bagamat nasa northern Luzon ang direksyon ng bagyo, inabot nito ang silangang Visayas dahil sa lawak ng outer rainbands o sirkulasyon nito.
Dahil dito, asahan na rin ang mga pag-ulan sa silangang bahagi ng Luzon simula bukas kabilang na ang Bicol Region.
Sa pagtaya ng PAGASA, kung hindi magbabago ang direksyon ng bagyo ay magla-landfall ito sa Cagayan-Isabela area sa linggo ng madaling araw.
Subalit kahit nasa northern Luzon ang sentro ng bagyo ay asahan pa rin ang pag-ulan sa halos buong Luzon ngayong weekend kabilang na ang Metro Manila dahil sa lawak ng sirkulasyon ng bagyo.
Magkakaroon din ng mga pag-ulan sa Mindanao dahil sa kaulapan na hinihinala ng bagyong Lando.
Kaugnay nito, minomonitor din ng COMELEC ang bagyong Lando
Sinabi ni COMELEC Chairman Andres Bautista na i-aassess nila ang sitwasyon sakaling makaapekto ang bagyong Lando sa huling araw ng filing ng COC o certificate of candidacy bukas.
Gayunman, inihayag ni Bautista na kung mahinang ulan at kaunting hangin lang naman ang dala sa bagyong Lando sa Metro Manila ay wala namang mababago sa schedule.
Una nang ipinabatid ng PAGASA na maaaring mag-landfall sa northern Luzon ngayong weekend ang bagyong Lando subalit mararamdaman na bukas, Biyernes.
By Judith Larino