Nananatili sa blue alert status ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) bunsod na rin ng inaasahang pagtama ng bagyong Kammuri sa Bicol Region.
Ayon sa NDRRMC, nakaantabay sila sa posibilidad na mas lumakas pa at umabot sa super typhoon category ang bagyong Kammuri o may local name na Tisoy, oras na pumasok ito ng Philippine Area of Responsibility (PAR).
Sinabi ni NDRRMC Spokesperson Mark Timbal, asahan na ang malakas na buhos ng ulan sa bahagi ng Luzon at Silangang Visayas sa sandaling pumasok na ito sa PAR bukas ng gabi o linggo ng umaga.
Inaasahan aniyang mag-iiwan ng malaking pinsala sa mga gusali, kabahayan, agrikultura, imprastraktura at mga poste ng kuryente at telekomunikasyon ang bagyong Kammuri.
Tiniyak naman ni Timbal na nakahanda na ang mga lokal na pamahalaan at mga regional, provincial, city at municipal disaster risk reduction management offices sa mga lugar na inaasahang dadaanan ng bagyo. — ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)