Nakataas na sa blue alert status ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) bilang paghahanda sa posibleng epekto ng pananalasa ng bagyong Jenny sa bansa.
Kasabay nito, nagsagawa na rin ng pre-disaster risk assessment meeting ang NDRRMC para mailatag ang kanilang mga aksyon at plano sa pagbayo ng bagyong Jenny.
Ayon kay NDRRMC Executive Director Ricardo Jalad, patuloy ang kanilang pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan tulad ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na kanilang kaagapay sa mga ikinakasang search rescue and retrieval operations.
Inatasan na rin aniya ang lahat ng mga local government units na inaasahang maaapektuhan ng bagyong Jenny na maging alerto at magpatupad ng preemptive evacuation kung kinakailangan.
Kaugnay nito, pinag-iingat naman ni Jalad ang mga residente partikular sa Eastern seabord ng Luzon sa posibilidad ng pagbaha bunsod ng inaasahang dami ng ulang dala ng bagyong Jenny.