Nakatutok na ang National Disaster Risk Reduction and Management Council o NDRRMC sa maagang pagbangon ng mga nasalanta ng mahigit sa isang linggong walang tigil na pag-ulan.
Tinukoy ni NDRRMC Executive Director Ricardo Jalad ang kabuhayan ng mga magsasaka at mangingisda na pangunahing naapektuhan ng walang tigil na pag-ulan na nagdulot ng baha sa maraming panig ng bansa.
Sa ngayon aniya ay pinagtutuunan nila ng pansin ang tamang assessment sa kung magkano ang napinsalang mga pananim at kung paano matutulungan ang mga mangingisda na hindi nakapalaot dahil sa sama ng panahon.
Puspusan na rin aniya ang relief operations sa mga evacuation centers at sinisikap nilang makagawa ng paraan upang matiyak na magkakaruon ng sapat na relief goods sa harap ng paparating na namang sama ng panahon.
Tiniyak ni Jalad na sa kabila ng pagiging abala nila sa relief operations ay naka-monitor sila sa pagdating panibagong sama ng panahon upang agad mailikas ang mga maaapektuhan kung kinakailangan.
“’Yan ang paghahandaan natin ang patuloy na pag-uulan kung meron tayong kinakailangang evacuation na gagawin, scientific operation, paghahandaan natin, likewise, tinitignan natin yung early recovery interventions na kinakailangan, tulong sa mga nasalantang farmers and fishermen.” Ani Jalad
Halaga ng pinsala ng walang tigil na pag-ulan umabot na sa P1.3-B
Umabot na sa 1.3 bilyong piso ang halaga ng napinsala ng walang tigil na pag-ulang dala ng habagat na pinalakas ng mga bagyong Henry, Inday at Josie.
Batay sa datos ng National Disaster Risk Reduction Management Council o NDRRMC, pinakanapinsala ang sektor ng agrikultura na umabot sa 900 milyong piso.
Pinakamalaking halaga ng napinsala ay sa mga palayan at palaisdaan ng Pangasinan, Tarlac, Nueva Ecija, Pampanga, Zambales at Bulacan.
Umabot naman sa halos 500 milyong piso ang halaga ng napinsalang imprastraktura.
Ang mga napuruhan ay mga kalsada, tulay at iba pa sa Pangasinan, Tarlac at Occidental Mindoro.
Ayon sa NDRRMC, hanggang kaninang alas-6:00 ng umaga ay lubog pa sa baha ang ilang barangay sa Pampanga, Pangasinan, Bulacan, Bataan, Zambales, Occidental Mindoro, Malabon at Valenzuela.
Nananatili naman sa 8 ang kumpirmadong patay at isa ang nawawala dahil sa walang tigil na pag-ulan at pagbaha nitong nakalipas na linggo.
Department of Disaster Management
Mas mapapabilis ang pag-ayuda sa mga biktima ng kalamidad kung magiging hiwalay na departamento sa pamahalaan ang NDDRMC.
Ayon kay NDRRMC Executive Director Ricardo Jalad, magkakaroon ng sariling mga bureau ang NDRRMC kaya’t mas mabilis ang pagkilos kapag may kalamidad.
Sa ngayon aniya ay maraming nang bersyon ng panukala ang nakahain sa Kamara para sa mas matatag na disaster management ng pamahalaan.
Sinabi ni Jalad na isinasaad sa batas na dapat itong repasuhin kada ika-limang taon upang malaman kung naaayon pa sa takbo ng panahon ang sistema ng pagtugon sa kalamidad.
Una rito, mismong ang Pangulong Rodrigo Duterte ang nagsabi na kailangang magkaroon ng hiwalay na departamento na nakatutok lang sa kalamidad.
“’Yung budget naman ng OCD ay diretso namang binibigay sa amin ng DBM, dito sa Department of Disaster Management centralized na, marami pa rin ang involved may ilalagay lang tayong isang mandato sa department na ito na magpapalakas, katulad din na coordinative ang ginagawa natin.” Pahayag ni Jalad
(Ratsada Balita Interview)