Nananawagan sa publiko ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na manatiling nakaalerto at maging ligtas kasunod ng magnitude 7 na lindol sa Abra.
Ayon kay NDRRMC Chairperson at Defense Officer-In-Charge, Senior Undersecretary Jose Faustino Jr., pinag-aaralan na ng kanilang ahensya ang assessment hinggil sa lawak ng pinasalang idinulot ng lindol.
Samantala sa naging panayam naman ng DWIZ, sinabi ni NDRRMC Spokesperson Mark Timbal, na patuloy ang pagpasok ng mga impormasyon mula sa mga lugar na naapektuhan ng lindol partikular na sa pinsala sa agrikultura, imprastraktura, mga insidente ng landslide gayundin sa pagtaya ng mga nasawi at nasugatan.
Sinabi ni Timbal na sa ngayon, nagsanib-pwersa na ang Armed Forces of the Philippines, Philippine National Police, Philippine Coast Guard at Bureau of Fire Protection para sa search, rescue and retrival operations at road clearing operation sa mga naapektuhan ng pagyanig.
Bukod pa dito, patuloy ding nagsasagawa ng aerial inspections ang mga tauhan ng Philippine Air Force para makita ang lawak ng pinsala sa mga apektadong lugar.