Umalma ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa alegasyong pili lamang ang pamamahagi nila ng ayuda sa mga lugar na sinalanta ng bagyong Odette.
Ito’y kasunod ng puna ni Presidential Aspirant at Sen. Panfilo Lacson na hindi organisado at limitado lamang umano sa mga tinatawag na vote rich areas ang mga babagsakan ng tulong.
Ayon kay NDRRMC Spokesperson Mark Timbal, walang katotohanan ang paratang at sa katunayan ay organisado at patas ang paghahatid nila ng mga tulong sa mga nangangailangan.
Palagian aniya silang nakikipag-ugnayan sa mga Local Disaster Risk Reduction and Management Offices sa mga calamity hit areas gayundin sa lokal na Pamahalaan.
Iginiit ng NDRRMC na hindi sila tumitingin sa estado ng isang lugar para hatiran ng tulong bagkus, nais nilang mabigyan lahat ng nangangailangan. —sa ulat ni Jaymark Dagala (Patrol 9)