Isa pa lamang ang kumpirmadong nasawi sa pananalasa ng bagyong Nona sa Bicol at Visayas Region.
Sa panayam ng DWIZ, sinabi ni Mina Marasigan, Tagapagsalita ng National Disaster Risk Reduction and Management Council o NDRRMC, ang biktima ay tinamaan ng lumilipad na yero.
Una nang tinukoy ng ilang media entity na ang biktima na si Pascual Ausente Jr. ng Northern Samar.
Subalit, ayon kay Marasigan, kinukumpirma pa ng NDRRMC, DILG, at DOH ang ulat na mayroon pang ibang namatay sa paghagupit ng bagyo.
“Meron kasi tayong mga mangilan-ngilan na binibigay sa atin na report at after verification ay makikita natin na hindi pala related sa bagyo gaya na lamang ng isang napabalitang namatay bago pa nangyari ang bagyo, so hindi siya itinala kasama doon sa bagyo.” Pahayag ni Marasigan.
Still verifying
Beniberipika pa ng National Disaster Risk Reduction and Management Council o NDRRMC ang apat na napaulat na nasawi dahil sa bagyong Nona.
Ayon kay NDRRMC Spokesperson Mina Marasigan, posibleng madagdagan pa ang bilang kapag muling bumalik ang komunikasyon sa mga lugar na sinalanta ng bagyo.
Sa tala ng NDRRMC isa pa lamang ang naitalang nasawi dahil sa bagyong Nona, ito ay ang isang lalaking tinamaan ng lumilipad na yero sa Northern Samar.
“May mga problema pa tayo sa suplay ng kuryente pati na rin sa communication lines particularly sa Northern Samar.” Dagdag ni Marasigan.
By Jelbert Perdez | Rianne Briones | Ratsada Balita