Patuloy na tinututukan ng National Disaster Risk Reduction and Management Council o NDRRMC ang pagsasagawa ng rescue operations at evacuation partikular sa mga lugar na matinding naapektuhan ng pag-uulang dala ng habagat.
Ayon kay NDRRMC Director Undersecretary Ricardo Jalad, pinayuhan na nila ang mga local goverment units sa mga lugar na may mataas na banta ng pagbaha na magpatupad na ng preemptive evacuation.
Ito aniya ay dahil inaasahan pa ring magpapatuloy ang nararanasang sama ng panahon sa malaking bahagi ng Luzon.
Pinangangambahan din Jalad, ang pag-apaw ng San Roque dam sa bahagi ng Pangasinan sakaling magpatuloy pa ang malalakas na pag-ulan sa loob ng tatlong araw.
Patuloy namang pinapaalalahanan at pinag-iingat ni Jalad ang mga residenteng nakatira malapit sa mga ilog at matataas na lugar sa mga posibilidad ng pagbaha at pagguho ng mga lupa.
23,000 evacuees
Umabot na sa mahigit 23,000 katao ang inilikas dahil sa pagtaas ng tubig sa kanilang mga lugar na bunga ng walang tigil na pag-ulan.
Ayon sa Department of Social Welfare and Development o DSWD, ang mga evacuees ay nagmula sa Ilocos, Cordillera Administrative Region, Central Luzon, National Capital Region, Calabarzon, Mimaropa at Bicol Region.
Hindi pa kasama sa naturang bilang ang mahigit sa 2,000 katao na pansamantalang nanunuluyan sa kanilang mga kamag-anak at kaibigan.
Sa kasalukuyan ay nakapagpalabas na ng mahigit sa mahigit 9 milyong pisong halaga ng tulong ang DSWD para sa mga apektadong pamilya samantalang halos 6 milyong piso naman ang nailabas na ng local government units sa mga apektadong lugar.—Len Aguirre
—-