Target ng NDRRMC na maibalik sa Marawi City bago mag Pasko ang mga bakwit na itinaboy ng halos limang buwang giyera sa lungsod.
Subalit ayon kay NDRRMC Spokesperson Mina Marasigan sa mga transitional shelter muna maninirahan ang mga babalik na residente.
Nangako naman ang NDRRMC na hindi lang basta transitional shelters kundi isang komunidad ang kanilang bubuuin na kumpleto sa mga istasyon ng pulis, mga maliliit na barangay at mga kalsada.
Sa ngayon sinabi ni Marasigan na inilalatag na ang master rehabilitation plan para sa Marawi at sinimulan na ang damage assessment duon.
Ipinabatid ni Marasigan na may hawak na silang Limang Bilyong Pisong pondo para sa rehabilitasyon at inaasahang madadagdagan pa ito ng 10 Bilyong Piso pa rin sa susunod na taon.
Tinataya ni Marasigan ang dalawa hanggang tatlong taon bago tuluyang makabangon ang Marawi City.