Magsasagawa ng necrological service para kay yumaong dating senador Rene Espina ang Senado bukas ng umaga.
Inaasahan magsasalita sa eulogy para kay Espina sina Senate President Vicente Sotto III, Minority Leader Franklin Drilon, mga senador na sina Imee Marcos, Richard Gordon at maging sina dating senador Juan Ponce Enrile at Francisco Tatad.
Kasabay nito, ipipresenta rin ng Senado sa pamilya ni Espina ang senate resolution number 135 na nagbibigay pagkilala sa dating senador.
Sinabi naman ni Sotto na bagama’t walang gaanong nakasulat tungkol kay Espina sa mga kasaysayan, mas nakahihigit pa rin aniya sa kasikatan ang nagawa ng dating senador at mga hinawakan nitong posisyon sa pamahalaan.
Dagdag ni Sotto, pareho sila ng paninindigan ni Espina at patunay nito ang iniakda ng dating senador na kauna-unahang Anti Drug Law sa bansa na precursor o panimula ng Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 kung saan siya ang principal author.
Biyernes noong nakaraang linggo nang nasawi si Espina sa edad na 89 dahil sa komplikasyon sa bato.