Tila kumambiyo na ang National Economic and Development Authority o NEDA.
Ito’y makaraang sabihin ni NEDA Secretary Ernesto Pernia na sapat na umano para sa pamilyang may limang miyembro ang 42,000 pisong sahod kada buwan upang makapamuhay ng kumportable.
Ginawa ni Pernia ang paglilinaw matapos na ulanin ng batikos si NEDA Undersecretary Rosemari Edillon na nagsabing sampung libong piso (P10,000) kada buwan ang kinakailangan ng bawat pamilya para mabuhay ng maayos at disente.
Binigyang diin ni Pernia na hypothetical lamang ang inilabas ni Edillon kung kukuwentahin aniya sa epekto ng inflation rate sa bansa na pumalo na sa 4.6 percent nitong Mayo.
Gayunman, binigyang diin ni Pernia na hindi niya inirerekomendang taasan agad ang sahod ng mga manggagawa nang hindi dumaraan sa masusing pag-aaral.
Posible aniya kasing magresulta lamang iyon sa mas mataas na inflation rate at hindi aniya iyon makabubuti para sa nakararaming Pilipino.
—-