Hinimok ni Senate Minority Floor Leader Franklin Drilon ang dalawang kapulungan ng Kongreso na masusing pag-aralan ang isinusulong na tax reform measures ng pamahalaan.
Ito’y ayon kay Drilon ay para tiyaking sapat ang mga hakbang na magpapagaan sa buhay ng bawat Pilipino lalo’t hindi aniya dapat malagay sa kompromiso ang kapakanan ng mga mahihirap.
Kasunod nito, nagpahayag ng pangamba si Drilon sa kakayanan ng administrasyon na protektahan ang mga mahihirap sa epekto ng inflation o ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo dulot ng naturang panukala.
Maging si dating Social Welfare and Development Secretary Judy Taguiwalo ayon kay Drilon ay nagpahayag din ng pangamba hinggil sa negatibong epekto ng tax reform measures lalo na sa mga mahihirap.
Ito aniya ang dahilan kaya’t tumangging magbigay paliwanag si Taguiwalo kung paano gagastusin ang pondo ng CCT o Conditional Cash Transfer na mas kilala bilang 4P’s o Pantawid Pamilyang Pilipino Program.