Ire-required na ng lokal na pamahalaan ang negative rt-pcr test sa lahat ng fully vaccinted travelers na nais bumisita o pumasok sa lalawigan ng Negros Occidental kasunod ng muling pagsirit ng kaso ng covid-19 sa bansa.
Sa Executive Order No. 21-61-a na nilagdaan at inilabas ni Gov. Eugenio Jose Lacson, hihigpitan ang lahat ng biyahe sa himpapawid, pangkaragatan maging ang biyahe sa lupa bilang pagtalima sa health at safety protocols na ipinatupad ng IATF.
Ayon kay Lacson, kailangang ipakita ng mga vaccinated travelers na sila ay negatibo sa nakahahawang sakit sa loob ng pitumput dalawang oras mula sa petsa ng pagkuha ng sample ng swab, at dapat magkaroon ng aprubadong s-pass pagdating sa nasabing probinsya.
Limitado naman sa limampung porsyento ang kapasidad ng mga biyaheng pandagat at panghihimpapawid.
Layunin ng local government units na mapigilan ang posibleng pagtaas ng kaso ng covid-19 sa Negros Occidental. —sa panulat ni Angelica Doctolero