Hawak na ng PNP-Anti Kidnapping Group ang miyembro ng Abu Sayyaf na tumayong negosyador nang pugutan ang dalawang Canadian nationals na bihag nila sa Talipao, Sulu noong 2015.
Kinilala ni PNP-AKG Director Police Brigadier General Rudolph Dimas ang suspek na si Adzrimar Sali Ammat na kilala rin sa alyas na “Abu Omar” at naaresto nitong nakalipas na October 15 sa ikinasang operasyon ng pulisya sa barangay Kampo Islam, Lower Calarian, Zamboanga City.
September 2015 nang dukutin ng mga bandido ang dalawang Canadian nationals sa isang resort sa Samal, Davao del Norte at dinala sila sa Talipao, Sulu
Nakipagnegosasyon ang suspek sa pamilya ng mga biktima subalit tinuluyan ding pugutan ang mga ito.
Ang suspek ay nahaharap sa kasong kidnapping at serious illegal detention.