Patay ang isang negosyante matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang suspek sa Barangay 4, Victorias City, Negros Occidental.
Kinilala ang biktima na si Iksan Umpar, 35-anyos na isang Pangulo ng Muslim Community sa Lungsod.
Base sa imbestigasyon, pauwi na sana ang biktima kasama ang kaniyang asawa kung saan, isasara na sana ni Umpar ang pinto ng minamaneho niyang sasakyan, nang biglang sumulpot ang isang gunman saka namaril.
Isinugod pa sa ospital ang biktima pero idineklara itong dead on arrival ng mga doktor.
Narekober sa pinangyarihang krimen ang tatlong basyo ng bala ng kalibre .9mm na baril.
Nabatid na dati nang naaresto ang biktima dahil sa ilegal na pagsusugal kung saan, base sa pahayag ng asawa ng biktima, nakatanggap pa ito ng mga pagbabanta kamakailan pero hinayaan lamang ito ni Umpar.
Patuloy pang iniimbestigahan ng mga otoridad kung sino ang salarin sa krimen. —sa panulat ni Angelica Doctolero