INIREKLAMO ng negosyanteng si Rose Nono – Lin sa National Bureau of Investigation (NBI) ang mga nagpapakalat umano ng malisyosong social media post ukol sa kanilang pamilya, Lunes ng umaga.
Nagtungo si Lin sa NBI upang maimbestigahan ang mga nag-aakusang drug lord umano ang kaniyang asawa at nagdadawit sa kanilang mga anak na pawang mga menor de edad sa naturang isyu.
Sa tinukoy na Facebook posts, inisa-isa ang mga dahilan umano ng pagkakasangkot ng asawa ni Lin na si Wei Xiong Lin sa mga iligal na gawain.
Nakasaad din sa post na malaki umano ang posibilidad na isang drug-funded election campaign ang pagtakbo ni Lin sa Kongreso.
Binanggit din ni Lin ang iba’t ibang news sources na naglalaman umano ng mga impormasyon ukol sa mga kasong kinasangkutan noon ng asawa nito, kasama sina ex-presidential adviser Michael Yang at Johnson Chua.
Ani Lin, matagal nang napasinungalingan ang mga nasabing isyu laban sa kaniyang asawa dahil sa kawalan ng sapat na ebidensiya.