Dapat i-padlock ng gobyerno ang mga negosyo ng mga Intsik sa Pilipinas.
Mungkahi ito ni Representative Fernando Hicap ng Partylist group na Anakpawis bilang ganti aniya sa China.
Ayon kay Hicap, dapat nang kanselahin ng gobyerno ang business permits ng mga negosyong pag-aari ng mga Chinese nationals o Chinese State Corporations tulad ng mga nasa mining at power sector.
Sinabi ni Hicap na puwde itong gamiting upang i-pressure ang China na abandonahin na ang kanilang reclamation activities sa mga pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea at ang pagtataboy na ginagawa nila sa mga mangingisda sa bahagi ng Panatag o Scarborough shoal sa Zambales.
Tinatayang 300,000 halaga ng mga isda aniya ang nawawala sa mga mangingisda kada linggo dahil hinaharang sila ng Chinese Coast Guard sa kanilang pangingisda.
Ibinasura ng DFA
Ibinasura ng Department of Foreign Affairs o DFA ang panukala ng Anakpawis Partylist Group na ipasara ng pamahalaan ang negosyo ng mga Intsik sa bansa bilang ganti sa China.
Ayon kay Foreign Affairs Secretary Albert del Rosario mayroong constructive engagement policy ang Pilipinas sa pakikipag-ugnayan sa China.
Sinabi ni Rosario na para sa kapakanan ng dalawang bansa, sinisikap ng Pilipinas na mapanatili ang economic at diplomatic relationship ng bansa sa China sa halip na magpataw ng parusa o embargo.
Binigyang diin ni del Rosario na susundin nila ang panuntunang ito hanggang sa magkaroon ng resolusyon ang arbitration case na isinampa nila sa International Tribunal on the Law of the Sea o ITLOS.
By Len Aguirre | Allan Francisco