Ganap nang batas ang Negros Island Region Act (NIR) at Real Property Valuation and Assessment Reform Act (RPVARA) matapos lagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga naturang panukala sa ceremonial signing sa Malacañang.
Sa ilalim ng NIR o Republic Act No. 12000, pag-iisahin na ang mga lalawigan ng Negros Occidental, Negros Oriental, at Siquijor bilang administrative region upang maging mas epektibo ang paghahatid ng mga serbisyo ng pamahalaan sa rehiyon.
Samantala, layon namang mapahusay ng RPVARA o Republic Act No. 12001 ang sistema ng koleksyon ng buwis upang makalikha ng mas malaking kita, mas maraming trabaho, at investments ang bansa.
Nagpasalamat naman si Pangulong Marcos sa Kongreso sa pagpasa sa mga panukalang batas na inaasahang naglalapit sa mga Pilipino tungo sa isang matatag, maunlad, at bagong Pilipinas.