Bumulusok ang net satisfaction rating ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pinakahuling survey ng Social Weather Stations o SWS.
Sa SWS survey na isinagawa noong September 23 hanggang 27, 2017, sumadsad sa plus 48 ang satisfaction rating ni Pangulong Duterte o bumagsak sa “good” level sa ikatlong quarter ng taon.
Kumpara ito sa plus 66 na nasa “very good” level noong Hunyo o ikalawang quarter ng taon.
Ito na ang pinakamababang naitalang net satisfaction rating ng Pangulo at unang beses na bumagsak sa below plus 60 mark.
Sa September 23 to 27 survey, 67 percent ng 1,200 respondents “satisfied,” 14 percent ang “undecided” at 19 percent ang “dissatisfied” sa performance ni Pangulong Duterte.
Isinagawa ang survey ilang linggo matapos ang pagpatay sa mga teenager na sina Kian Delos Santos, Carl Angelo Arnaiz at Reynaldo “Kulot” de Guzman.
Honeymoon period ends
Kumbinsido ang opposition coalition na Tindig Pilipinas na ang pagbulusok ng net satisfaction rating ni Pangulong Rodrigo Duterte ay senyales na tapos na ang kanyang “honeymoon” period.
Ito ang inihayag ng Tindig Pilipinas matapos bumagsak ng 18 points ang pinakahuling net satisfaction rating ni Pangulong Duterte batay sa Social Weather Stations o SWS survey na isinagawa noong Setyembre.
Ipinanawagan ng koalisyon kay Pangulong Duterte na dinggin na ang mga sigaw ng taumbayan laban sa extrajudicial killings, pag-isipan na ang pagpapa-iral ng war on drugs at iwasan na ang pagpapahina sa mga democratic institution.
Inihirit din ng Tindig Pilipinas ang paglagda ng Punong Ehekutibo sa isang bank waiver upang mapatunayang wala siyang mga tagong yaman.
—-