Napanatili ni Vice President Leni Robredo ang “good” na net satisfaction rating sa ikatlong bahagi ng taon.
Batay ito sa resulta ng survey ng Social Weather Stations (SWS) kung saan 57 porsyento ng mga respondents ang nagsabing kuntento sila sa trabaho ng bise presidente habang 23 porsyento ang hindi.
Sa kabuuan, nakakuha si Robredo ng plus 34 na net satisfaction rating, dalawang puntos na mataas sa plus 32 na nakuha nito sa survey noong Hunyo.
Nakaambag naman dito ang pagtaas sa nakuhang rating ni Robredo sa Metro Manila, Mindanao at balance Luzon bagama’t bumaba naman ito ng 11 puntos sa Visayas.
Samantala, napanatili naman ni Senate President Vicente Sotto III ang kanyang very good na rating matapos na makakuha ng plus 55 na net satisfaction rating, isang puntos na mataas mula plus 54 noong Hunyo.
Nakakuha naman ng neutral na minus 4 net satisfaction rating si House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo habang neutral na plus 4 si retired Chief Justice Teresita De Castro.
Isinagawa naman ang survey simula Setyembre 15 hanggang 23 sa 1,500 mga adult respondents sa buong bansa.