Bahagyang nabawasan ang mga Pilipinong kumpiyansa at nagtitiwala sa naging pamumuno sa bansa ni Pangulong Benigno Aquino III.
Batay ito sa lumabas na survey ng Social Weather Stations o SWS kung saan, bumaba sa positive 27 o moderate ang net satisfaction ratings ng Pangulo para sa unang bahagi ng taon.
Ayon sa SWS mas mababa ito ng limang puntos mula sa dating positive 32 o good net satisfaction ratings ng Pangulo noong Disyembre ng nakalipas na taon.
Isinagawa ang survey mula Marso 30 hanggang Abril 2 mula sa 1,500 adult respondents sa buong bansa at may margin of error na plus – minus 3 points.
Ito na ang ikalawang beses na bumaba ang net satisfaction ratings ng Pangulo mula noong ikalawang bahagi ng 2015 kung saan, nakakuha ito ng positive 11.
Gayunman, nilinaw ng SWS na bagama’t bumaba, maituturing pa rin itong mas mataas kumpara sa nakuha ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo na negative 53 o bad noong Marso ng taong 2010 na nasundan pa ng negative 17 o very bad nang bumaba ito sa puwesto noong Hunyo 2010.
By Jaymark Dagala
Photo Credit: govph