Nilinaw ng Movie, Television Review and Classifcation Board (MTRCB) na hindi nila tinatapakan ang karapatan ng mamamayan sa planong i-regulate ang mga video platforms tulad ng Netflix.
Ayon kay MTRCB Chairperson Maria Rachel Arenas, layunin lamang nito na maging gabay sa pagtuturo ng tamang asal sa mga Pilipino na kadalasang tinutularan kung ano ang mga napapanood.
Pero iginiit ng media and law expert na walang kapangyarihan ang MTRCB na i-regulate ang Netflix at iba pang streaming applications sa mga cellphone at iba pang gadgets.
Ayon kay Atty. Enrique Dela Cruz, hindi ito maaaring gawin at napaka-imposible nito lalo’t limitado lamang ang pelikula at telebisyong saklaw ng MTRCB.
Kahit pa aniya gumawa ng bagong batas hinggil dito, naniniwala pa rin si Atty. Dela Cruz na walang anomang ahensya ng pamahalaan ang maaaring mag-regulate sa internet na siyang ginagamit hindi lamang ng isang bansa kundi ng buong mundo.