Handang mangalap ng pondo ang ilang netizen para sa CHR o Commission on Human Rights.
Ito ay makaraang magdesisyon ang Kamara na bigyan lamang ng P1,000.00 budget ang CHR para sa susunod na taon.
Sa kaniyang Facebook account, humingi ng suporta ang komedyante at direktor na si Rodolfo ‘Jun’ Sabayton mula sa kaniyang mga kasamahan sa showbiz.
Tinugunan naman ito ni Director Jerrold Tarog na nagbiro pang naghanap ng maaaring magtatag o gumawa ng Gofundme page para sa karapatang pantao ng mga mamamayan.
Magugunitang inaprubahan ng mababang kapulungan ng Kongreso sa botong 119 – 32 mosyon ni 1-Sagip Partylist Representative Rodante Marcoleta na ibaba sa P1,000.00 mula sa 678 million pesos ang pondo ng CHR para sa susunod na taon.
BAYAN: Pagbigay ng P1,000 budget sa CHR patunay na ‘di prayoridad ng Duterte admin ang karapatang pantao
Binatikos ng grupong Bagong Alyansang Makabayan o BAYAN ang pasya ng Kamara na bigyan ng P1,000.00 budget para sa susunod na taon ang CHR o Commission on Human Rights.
Ayon kay BAYAN Secretary – General Renato Reyes, ang nasabing hakbang ay bahagi ng pagpupursige ng Duterte administration na isailalim sa diktadurya ang bansa.
Ang pag – apruba sa P1,000.00 budget ng CHR ay isa rin aniyang patunay na hindi prayoridad ng rehimeng Duterte ang karapatang pantao.
Iginiit ni Reyes na ang naturang desisyon ng Kamara ay babala sa iba pang ahensya ng gobyerno na kokontra sa mga polisiya ng ehekutibo.
_____