Inuulan ng kaliwa’t kanang batikos at hamon mula sa mga netizens si Pasig Councilor Angelu De Leon na magpaliwanag kaugnay ng ‘di-umano’y mga naglalabasang video scandal ng iba pa niyang kasamahan at kapartidong mga konsehal.
Ito’y makaraang lumabas ang video ng isang sitting councilor at dalawang aspiring councilor sa Pasig na sinasabing makikitang nakikipag-video sex.
Sa nabanggit na video, ipinaliwanag ang hinihinalang proseso ng pagbili ng serbisyo sa pamamagitan ng pagbabayad umano ng deposit at pagkatapos ay magbabayad ng balanse matapos na makamit ang kanilang mga kagustuhan.
Ngunit ayon din sa nasabing video, ang mga naturang konsehal ay blinock sa social media accounts ang naka-video sex nilang babae upang hindi na sila ma-contact matapos na hindi magbayad ang mga ito ng balanse.
Nabatid na ni-rekord naman umano ng babae ang buong sesyon at isinapubliko ang bidyo dahil umano sa galit sa mga nasabing konsehal.
“Kadiri alam mo naman ‘yang mga ‘giting’ mga banal na aso santong kabayo mga ‘yan. Mga mapagpanggap na anghel galing sa ilalim ng lupa,” sabi ng netizen na si Iame Mimha sa kanyang Facebook comment.
Maliban dito, isa rin umano sa kapartidong konsehal ni De Leon ang inireklamo ng isang single mom matapos nitong hindi panagutan ang bata at hindi sumunod sa nauna nitong pangako na aakuin at dadalhin ng bata ang apelyido ng konsehal sakaling manalo ito noong nakaraang eleksyon.
“Natatawa na lang ako kada magda-drama itong mga giting mapangpanggap kasi,” dagdag pa ni Mimha sa kanyang comment.
Lumitaw ang paghahamon ng mga netizens makaraang batikusin ni De Leon si Pasig congressman aspirant Atty. Ian Sia patungkol sa pahayag nito ukol sa mga solo parents ng lungsod.
Makaraan ang pahayag ni Sia ay naglabas ng isang FB post si De Leon na kung saan paulit-ulit na sinabi ng konsehal na “bawal ang bastos sa Pasig!”
Ang naturang palitan ng isyu ng dalawang partido sa Pasig City ay nakaani ng iba’t ibang reaksyon mula sa mga netizens. Ang iba ay tinawag umanong ‘hipokrita’ si De Leon matapos lumabas ang naturang video.
“OA kayo magalit sa kalaban niyo pero sa kakampi n’yo na obvious na obvious ang kabastusan pikit-mata lang?” sabi naman ni Mark De Leon sa kanyang FB post.
“Hamon namin kay Councilor Angelu de Leon, totoo ba itong mga akusasyon sa mga kasamahan mo na mga kandidato bilang city councilor o hindi?” sabat naman ng isa pang netizen.
Iginiit naman ni Sia na ang nasabing ‘joke’ ay alinsunod umano sa kanyang freedom of speech.
Dagdag pa rito, isinaad din ng abogado na ang nag-viral umanong statement ay ‘pinaikli’ at malisyosong umusbong upang iligaw ang mga tao sa social media.