Mainit na usapin ngayon sa social media ang karumal-dumal na pagpatay kay Killua, isang tatlong taong gulang na golden retriever.
Sa viral video na kuha mula sa CCTV, kitang-kitang ang pagtakbo ni Killua papalayo sa isang lalaking nanghahampas sa kanya.
Sa isa pang video, makikita na lang na inilabas mismo ng lalaking nahagip sa CCTV ang malamig na bangkay ni Killua mula sa sako.
Samantala, nag-trending din ang pagpatay ng isang Koreano sa asong si Erika.
Batay sa imbestigasyon, nakagat ng aso ang suspek. Dahil sa galit, pinagsasaksak nito si Erika, kahit ibang aso naman ang kumagat sa kanya.
Mariing kinonenda ng netizens ang mga insidenteng ito. Gamit ang #JusticeForKillua at #JusticeForErika na parehas naging top trending topics sa X, nananawagan ang netizens para sa mas maigting na pagpapatupad sa Animal Welfare Act.
Ayon sa Republic Act No. 10631 o pag-amyenda sa Animal Welfare Act of 1998, makukulong ng isang taon, anim na buwan, at isang araw hanggang dalawang taon at/o papatawan ng multang hindi hihigit sa P100,000 ang sinumang nagmalupit, nagmaltrato, o nagpabaya sa hayop na naging sanhi ng kamatayan nito.
Kung nakaligtas naman ngunit nawalan ng sariling kakayahang mabuhay ang isang sinaktang hayop, makukulong ang suspek ng isang taon at isang araw hanggang isang taon at anim na buwan; at/o papatawan ng multang hindi hihigit sa P50,000.
Kung nakaligtas at hindi nawalan ng sariling kakayahang mabuhay ang hayop, makukulong pa rin ng anim na buwan hanggang isang taon at/o papatawan ng multang hindi hihigit sa P30,000 ang sinumang nagmaltrato rito.
Para sa nakararami, hindi sapat na kabayaran ang mga parusang ito.
Sa katunayan, inihain na sa senado ang Senate Bill No. 2458 na layong mas paigtingin ang implementasyon sa mga pamantayan at polisiya na nagpapahalaga sa kapakanan ng mga hayop. Magbibigay rin ito ng mas mahigpit at malupit na parusa laban sa mga lalabag dito.
Iminumungkahi rin ng naturang panukalang batas ang pagbuo sa Animal Welfare Bureau (AWB) na magbabantay sa mga lokal na pamahalaan upang tiyakin na ipinatutupad at sinusunod ng mga ito ang mga programa at polisiya na nagsusulong sa kapakanan at karapatan ng mga hayop.
Kaibigan, kakampi, at kapamilya.
Ganito kung ituring ng karamihan ang mga alagang hayop. Hindi sila “hayop lang” na dapat saktan at maltratuhin dahil kagaya ng tao, mayroon silang karapatang mabuhay nang mapayapa at malayo sa anumang panganib sa mundong ginawa rin para sa kanila.