Usap-usapan ngayon ang productive trip ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Japan dahil sa naiuwi nitong investments.
Ayon kay Pangulong Marcos, nakapag-secure ng bagong nine investment pledges ang administrasyon na nagkakahalaga ng P14 billion.
Kabilang sa mga makikinabang sa investment pledges ang New Clark City. Nagkaroon ng kasunduan ang Japan Overseas Infrastructure Investment Corp. for Transport and Urban Development (JOIN) at Bases Conversion and Development Authority (BCDA) ng Pilipinas na pag-aralan ang establishment ng New Clark City. Kasalukuyang nasa development stage ang New Clark City na matatagpuan sa mga bayan ng Bamban at Capas, Tarlac.
Inaasahang ang New Clark City ang magiging pinakaunang resilient at green metropolis sa bansa. Layon nitong tugunan ang lumalalang environmental issues sa pamamagitan ng pagiging disaster-resilient sa isang rehiyon na lubhang naaapektuhan ng natural disasters.
Alinsunod sa Build Better More (BBM) program ni Pangulong Marcos, hangad ng BCDA na gamitin ang potensyal ng New Clark City na maging isang smart, sustainable, at inclusive city na magpapabilis sa paglago ng Central Luzon.
Upang maisakatuparan ang goal na ito, inihanay ng BCDA ang ilang high-impact projects at programs sa New Clark City, partikular na sa mga larangan ng sustainable development, renewable energy, information and communication technology (ICT), estate management, transportation, tourism, at iba pa.
Bilang tugon sa panawagan ng administrasyong Marcos na suportahan ang priority program nitong Pambansang Pabahay para sa Pilipino Housing (4PH) Program, nagkaroon ng kasunduan ang BCDA at Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) kung saan magpapatayo sila ng 500,000 housing units sa loob ng New Clark City.
Once fully developed, inaasahang magiging tahanan ang New Clark City ng higit isang milyong residente at makapagbibigay ng trabaho sa higit 600,000 Filipinos.
Sa sektor naman ng pangkalusugan, naglaan ang BCDA ng limang ektaryang lupa para sa panukalang Virology and Vaccine Institute of the Philippines. Matatandaang isa ito sa top priorities ni Pangulong Marcos.
Samantala, kasalukuyan ding inihahanda ng administrasyong Marcos ang New Clark City bilang sports hub ng Pilipinas. Dito, magagamit ng mga atleta nang libre ang training facilities sa Athletics Stadium at Aquatics Center.
Bukod sa mga ito, itatatag sa New Clark City ang ilang educational institutions, gaya ng National Academy of Sports, University of the Philippines, at Philippine Science High School. Layon din ng BCDA na gawing investment hub ang lugar at magpatayo ng pinakamalaking public park sa bansa.
Ayon sa dating BCDA President and Chief Executive Officer na si Aileen Zosa, buo ang suporta ng ahensya sa 8-point socio-economic agenda ni Pangulong Marcos na layong itulak ang economic at social transformation ng bansa upang makapagbigay ng mas maraming trabaho at maiahon ang maraming Pilipino mula sa kahirapan. Sa patuloy na pagsuporta ng pamahalaan at pagpasok ng investments, magiging posible ito.