Naka-total lockdown na ang New Clark City kung saan naka-quarantine ang mahigit sa 400 Pinoy na nagmula sa Diamond Princess cruise ship sa Japan.
Ayon kay Capas Tarlac Mayor Reynaldo Catacutan, guwardyado ito ng mga pribadong security guards, pulis at sundalo upang matiyak na walang makakapasok o makalalabas sa mga naka-quarantine.
Bagamat tinanggap anya nila ang pagquarantine sa mga kababayan nating na expose sa virus na nagdadala ng COVID-19, nananatili pa rin naman ang kanilang pangamba lalo na ng mga residente ng Sitio Kamatis na malapit sa New Clark City.
Naranasan na po namin ito noong first batch, okay naman po, at hindi po sila inistorbo. Ang mga health officer ko po, health personnel, ang nagbabantay sa kanila. Kahit mga face mask, alcohol at mga medisina, kung sinuman ang may kahit na simpleng karamdaman lang –all provided po,” ani Catacutan.
Mahigpit ang apela ni Catacutan sa Department of Health (DOH) na maghanap na ng ibang lugar na gagawing quarantine area.
Nakiusap din si Catacutan sa Inter-Agency Committee na tiyaking nasusunod ang napagkasunduan nilang protocol lalo na sa pagtatapon ng basura na magmumula sa quarantine area.
Kung iyan po ay mapapag-usapan, ‘yan na po an gaming hihilingin na this will be the last. Kung ‘yung ospital sa China ay naitayo ng tatlong araw, imposible namang hindi natin maaayos, ‘yon ay kisame nalang, tubig at kuryente,” ani Catacutan. —sa panayam ng Ratsada Balita