Hinikayat ni Congressman Luis Villafuerte ang pamahalaan na unti-unti nang itakda ang mga panuntunan sa anya’y ‘new normal’ na dapat umiral pagkatapos ng enhanced community quarantine (ECQ).
Ayon kay Villafuerte , ngayon pa lamang ay dapat nang pinag aaralan kung paano ang magiging sistema sa mga pilahan sa MRT at iba pang transport system sakaling buksan na ang operasyon ng mga ito.
Gayundin anya ang magiging sistema sa iba pang business establishments na papayagan nang magbukas.
Sinabi ni Villafuerte na ngayon pa lamang ay dapat inaalam na ng gobyerno kung hanggang kelan ang itatagal ng food supply at huwag nang mag antay na magkaubusan pa ito.
Binigyang diin ni Villafuerte na dapat nang tanggapin ng lahat na magkakaruon talaga ng malaking pagbabago sa pamumuhay ng mga tao pagkatapos ng delubyong dinala ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.
Batay sa pagtaya ng mambabatas, kahit pa magkaruon ng bakuna, posibleng maramdaman lang ang pagbabalik sa dating normal sa 2022.