Inahain sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang panukalang “New Normal Policy” sa mga pampublikong lugar.
Batay sa House Bill 6623 o New Normal for the Workplace and Public Spaces Act of 2020, ang mga panuntunan sa ilalim ng new normal environment ay tatagal sa loob ng tatlong taon o hangga’t hindi pa rin tiyak ang kaligtasan laban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Nais ng panukala na maturuan ang mga Pilipino sa mga dapat na bagong makasanayan upang maiwasan ang pagkalat ng sakit.
Kasama sa mga tinatawag na new normal ay ang social distancing, pagsusuot ng face mask, paglalagay ng handwashing o sanitizing stations sa mga pampublikong lugar, at pagsasagawa ng temperature checks.
Mananatili na rin ang take out services o delivery system sa mga restaurants.
Paiiralin naman ang contactless payment mechanics sa mga pampublikong transportasyon habang hindi muna maaaring makapag operate ang mga motorcycle taxis.
Tiniyak sa panukalang batas na nakabatay ang mga panuntunan sa new normal sa umiiral na guidelines ng World Health Organization habang hindi pa makabalik sa normal ang pamumuhay ng tao dahil sa banta ng COVID-19.