Pinagbibitiw sa pwesto ni Senador Bam Aquino si National Food Authority (NFA) Administrator Jayson Aquino at iba pang opisyal ng ahensya.
Ito ay matapos madismaya ang mga Senador nang aminin ni Administrator Aquino na mahigit isang araw at kalahati na lamang ang natitirang buffer stock ng NFA.
Ayon kay Senador Aquino, malinaw na nabigo at walang sapat na kakayanan ang mga opisyal ng NFA para gampanan ang tungkuling tiyakin ang seguridad sa pagkain bansa partikular ang sapat na suplay ng NFA Rice.
Iginiit pa ni Senador Aquino na ang kabiguan ng NFA na matiyak ang sapat na suplay ng NFA Rice ay nagresulta pa sa karagdagang pasakit sa mga karaniwang Pilipino.
Aniya, nadagdagan ng 500 Piso kada buwan ang gastusin ng mga Pilipino dahil ang dating 27 Pesos kada kilo ng NFA Rice ay naging 42 Pesos ang halaga.
Krista de Dios/ Cely Ortega-Bueno / RPE