Nakatakdang magpulong sa araw ng Lunes ang NFA Council para talakayin ang paraan ng pagbili ng mga aangkating NFA rice.
Ito’y makaraang payagan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang NFA na mag-angkat ng dalawandaan at limampung metriko toneladang bigas upang tugunan ang sinasabing kakapusan sa suplay ng nfa rice sa bansa.
Ayon kay Cabinet Secretary at NFA Council Chairman Leoncio Evasco, tatlong paraan aniya ang kanilang ilalatag sa nasabing pagpupulong kabilang na rito ang government to government approach.
Ikinukonsidera rin ng pamahalaan ayon kay Evasco ang pagbili ng pamahalaan sa mga pribadong suplayer ng bigas o di kaya’y ipa-ubaya na sa mga negosyante ang pagbili ng kanilang sarili nilang suplay.
Pero ayon kay NFA public affairs director Rex Estuperez, bagaman mabilis ang government to government na sinasabi ni Evasco, masyado naman aniya itong bantad sa katiwalian.
Una nang ibinabala ni Estuperez na posibleng sampung araw na lamang ang abutin bago tuluyang mawala ang suplay ng NFA rice kung hindi agad makapag-aangkat ng bigas para punuan ang kanilang buffer stock.
Ulat ni DWIZ Patrol Reporter Jopel Pelenio
Posted by: Robert Eugenio