Tiniyak ng National Food Authority o NFA ang kanilang kahandaan kaugnay ng nagbabantang malakas na bagyo sa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR).
Sa panayam ng DWIZ, sinabi ni NFA Spokesman Rex Estoperez na bukas 24 oras ang operations center ng NFA para tumanggap ng tawag sa mga lokal na pamahalaan na mangangailangan ng tulong.
“Meron tayong nakalaan palagi diyan sa DSWD ang ating relief institution, even though nag-increase tayo ng market participation and distribution, hindi mawawala ang paghahanda natin sa kalamidad, ano eh panahon ngayon ng bagyo.” Ani Estoperez
Wala pang nahuhuling hoarder ng bigas
Samantala, inamin ng National Food Authority na wala pa ring nahuhuling smuggler o hoarder ng bigas ang pamahalaan.
Ito ay sa harap ng direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte na salakayin ang mga bodega ng rice hoarders na sanhi ng problema sa suplay at mahal na presyo ng bigas.
Ayon kay Estoperez, sa ngayon ay kumpleto naman ang mga dokumento ng mga bodega ng bigas na kanilang naiinspeksyon.
“Sa ngayon wala pa naman tayong nakitang may mga violation, ang mga nakaimbak na bigas meron naman mga permit ‘yan kung wala kang dokumento at marami kang bigas na imported eh mukhang may problema ka, sa mga kasama naman nating traders kung may dokumento naman kayo huwag kayong matakot at wala naman kayong violations, tuloy lang po ang bentahan ninyo.” Pahayag ni Estoperez
(Balitang Todong Lakas Interview)