Isasalang pa sa laboratory examination ang hinihinalang pekeng bigas na natuklasan sa Davao City.
Ayon kay Director Gerry Imperial, Spokesman ng NFA o National Food Authority, kanin o lutong bigas na ang nakuha nilang sample dahil bigo silang matunton ang source ng nilutong bigas sa isang karinderya sa Davao City.
Ginalugad na aniya ng NFA sa Davao ang mga pamilihan sa syudad subalit negatibo ang kanilang paghahanap.
Napuntahan na rin anya ang di umano’y pinagmulan ng bigas sa Davao del Sur subalit wala rin silang nakitang kaduda-dudang bigas doon.
Tiniyak ni Imperial na kahit ano pa ang maging resulta ng imbestigasyon ay sisikapin nilang aksyunan ang mga reklamo at payapain ang kalooban ng mga mamimili laban sa di umanoy paglaganap ng pekeng bigas.
Matatandaan na batay sa reklamo, nagmistulang plastic ang mga butil ng bigas nang ito ay maluto.
“Wala pang inisyal na findings sa laboratory parang visual inspection yung basehan, kaya lamang maski pagtikim ay di namin kayang gawin dahil yung sample ay parang medyo panis na dahil nakalagay lang sa plastic, di siya naka-ref at nakuha pa noong Biyernes ng tanghali, kaya kailangan talagang i-subject natin ito for laboratory test.” Pahayag ni Imperial.
By Len Aguirre | Kasangga Mo Ang Langit