Iimbestigahan ng mababa at mataas na kapulungan ng Kongreso ang isyu sa kakulungan ng suplay ng bigas sa bansa.
Ayon kay Senadora Cynthia Villar, chairman ng Senate Committee on Agriculture, magpapasa siya ng resolusyon sa Senado para ipatawag ang pamunuan ng National Food Authority o NFA upang makapagpaliwanag hinggil sa nasabing isyu.
Nais aniyang makuha ang panig ng ahensya kung bakit hindi ito makabili sa mga lokal na magsasaka at hindi din sila makapag –import ng bigas sa ibang bansa.
Kaugnay nito, naghain din si Magdalo Partylist Representive Gary Alejano ng House Resolution 1648 na humihiling sa Kamara na imbestigahan ang nasabing usapin.
Una nang inamin ng NFA na hanggang tatlong (3) araw na lamang ang ‘buffer stock’ ng bigas na malayo sa pamantayan ng ahensya na hanggang labing limang (15) araw.
Samahan ng rice retailers sa bansa aapela sa NFA na madaliin ang importasyon ng bigas
Umapela sa National Food Authority o NFA ang mga rice retailer sa buong bansa na madaliin na ang importasyon ng bigas.
Ayon kay James Magbanua, presidente ng Grains Retailers Confederation of the Philippines, dapat bilisan na ng NFA ang pag–aangkat ng 250,000 metriko toneladang bigas dahil ito aniya ang magsisilbing lunas sa kakulangan ng suplay ng bigas sa bansa.
Bilang tugon, ipinabatid ni Rebecca Olarte, tagapagsalita ng NFA, na hinihintay na lamang nila ang ‘go signal’ sa pag–aangkat ng bigas sa Vietnam, Thailand at Cambodia.
Posible din aniya na sa susunod na buwan ay bumalik na sa normal ang suplay ng NFA rice dahil ito ay panahon na ng anihan at makabibili na sila ng palay sa mga magsasaka.