Ginagamit lamang umano ng mga pribadong rice trader ang sitwasyon ng pagbaba ng buffer stock ng NFA o National Food Authority para maitaas ang presyo ng commercial rice sa mga pamilihan.
Ito ang ibinunyag ni Cabinet Secretary Leoncio Jun Evasco Jr sa isinagawang pagpupulong ng NFA Council kahapon kaugnay ng umano’y kakapusan sa suplay ng bigas sa bansa.
Dahil dito, sinabi ni Evasco na paiigtingin ng NFA Council ang kanilang pagbabantay at pag-iikot sa kamalig ng mga pribadong rice traders at agad na kasuhan ng economic sabotage ang sinumang mga mapatutunayang nag-iipit ng kanilang suplay ng bigas.
Babala pa ni Evasco sa mga opisyal at kawani ng NFA na mahaharap sa kasong dereliction of duty ang sinumang hindi tatalima sa kanilang mandato sa bayan na panatilihing abot kaya ang presyo ng pagkain partikular na ng bigas.
Ulat ni DWIZ Patrol Reporter Jopel Pelenio
Posted by: Robert Eugenio