Hanggang Agosto na lamang makikita sa mga merkado ang NFA rice.
Napag-alaman kay National Food Administration (NFA) Administrator Tomas Escarez na nasa labing apat (14) na milyong bags pa ng bigas ang natitirang imbak na bigas ng NFA.
Ayon kay Escarez, malalaman pa nila sa paglabas ng implementing rules and regulations (IRR) ng rice tariffication law kung puwede pa silang maglabas ng NFA rice o kung pawang commercial rice na lamang ang matitira sa pamilihan pagkatapos ng Agosto.
Sinabi ni Escarez na aalamin rin nila kung bibigyan pa rin sila ng pondo o kung bibilhin pa rin nila ang sobrang ani ng mga lokal na magsasaka kapag napunan na nila ang labing limang (15) araw na buffer stock para sa mga kalamidad.
Sa ilalim ng rice tariffication law, nililimitahan na lamang ang papel ng NFA sa pagbili ng katumbas ng labing limang (15) milyong bags ng palay sa mga magsasaka para gamitin sa panahon ng kalamidad.
Mas murang bigas sa Marso
Posibleng makabili na ng mas murang bigas sa mga pamilihan sa kalagitnaan ng Marso.
Ayon kay Secretary Ramon Lopez ng Department of Trade and Industry (DTI), inaasahang magdaratingan na sa kalagitnaan o katapusan ng Marso ang mga imported na bigas.
Maaari aniyang mabili ang mga ito sa halagang tatlumpu’t dalawang piso (P32) kada kilo o mas mura ng dalawa (P2.00) hanggang tatlong piso (P3.00) sa kasalukuyang presyo ng bigas.
Sinabi ni Lopez na inaasahan nilang agad na aarangkada ang importasyon ng bigas sa sandaling magkabisa ang rice tariffication law sa Marso 3.
Sa ilalim ng batas, pinapayagan ang kahit na sinong negosyante na umangkat ng bigas basta magbabayad ito ng tatlumpu’t limang (35) porsyentong taripa para sa mga bigas mula sa Southeast Asia at kukuha ng phytosanitary permit mula sa Bureau of Plant Industry (BPI).
—-