Tiniyak ng Malacañang na kumikilos ang pamahalaan para solusyunan ang kakulangan sa suplay ng bigas ng National Food Authority o NFA.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, gumagawa na sila ng mga hakbang para tugunan ang naturang problema.
Matatandaang kinuwestyon ni Senadora Nancy Binay ang mga hakbang ng NFA Council hinggil sa bumababang suplay ng NFA rice.
Ipinagtataka ng senadora kung bakit ipinagpaliban ng NFA ang pag-aangkat ng dalawandaan at limampung libong (250,000) metriko toneladang bigas gayong umamin ang ahensya na sapat na lamang para sa tatlong araw ang imbak nitong bigas.
Baguio City
Samantala, ramdam na ang kakulangan ng supply ng NFA rice sa Baguio City.
Ito ayon kay Angelita Gayados, Pangulo ng rice section ng Baguio City Public Market ay dahil limitado lamang sa tatlong kilo ang uubrang ibenta ng retailers sa kada customer.
Sinabi ni Gayados na inaasahan nilang tatagal ng katapusan ng buwang ito ang kulang na supply ng bigas.
Sa ngayon aniya ay 32 pesos ang presyo ng kada kilo ng NFA rice sa Baguio City.
–Judith Larino