Nakatali ang kamay ng NFA o National Food Authority para kontrolin ang pagtaas ng presyo ng bigas sa mga pamilihan.
Ayon kay Marietta Ablaza, Spokesperson ng NFA, masyadong manipis ngayon ang buffer stock ng NFA dahil halos labing pitong (17) porsyento lamang ng ani ng mga magsasaka ang kanilang nabili.
Sa ngayon anya ay umaabot lamang sa labing limang (15) araw ang buffer stock ng bigas ng NFA.
Sinabi ni Ablaza na kalimitang ginagawa nila kapag tumataas ang presyo ng bigas ay maglabas ng maraming suplay ng bigas sa mga pamilihan upang mapatatag ang presyo nito.
“Hindi kami makapamili ng palay ng husto dahil ang mga magsasaka ay ibinebenta sa mga traders ang kanilang palay dahil sa mas mataas na presyo, P19.80 sa monitoring namin ang average farm gate price ng palay, ang NFA P17.70 to P18.00 including incentive na po yun, so hindi po kami makapamili ng palay, konti lang, in fact po ang aming napamili lamang ay around 17 percent ng aming target from January to April.” Ani Ablaza
Nagpahayag ng pangamba si Ablaza na kapusin ang suplay ng bigas pagsapit ng lean months na nagsisimula sa buwan ng July.
Ito sana anya ang iniiwasan ng pamahalaan kayat minanduhan sila ng National Economic Development Administration o NEDA na paabutin ng tatlumpung (30) araw ang kanilang buffer stock simula sa Hulyo.
Binigyang diin ni Ablaza na ito ang dahilan kayat iginigiit nila sa NFA Council na payagan na silang makapag-import ng bigas.
“Ang humahawak po nun ay mga private traders na kung saan ang kanilang reason po or motive sa pag-import ay profit, whereas yung government to government na ang importation ay nasa amin lamang pong warehouses yun at hindi namin tuluyang ibebenta kung marami pang palay para hindi po ma-depressed ang presyo ng palay, ibebenta po namin yun ng marami kung June lean months po.” Pahayag ni Ablaza
By Len Aguirre | Ratsada Balita (Interview)
NFA tali ang kamay sa pagtaas ng presyo ng bigas was last modified: May 10th, 2017 by DWIZ 882