Nanawagan sa Energy Regulatory Commission, si Senator Win Gatchalian, na patawan ng parusa ang National Grid Corporation of the Philippines, dahil sa naantalang mga proyekto sa kanilang transmission na nakaapekto sa suplay ng kuryente sa ilang lugar sa bansa partikular na sa Luzon grid.
Kasunod ito ng pahayag ni ERC Chairperson Monalisa Dimalanta, sa naging pagdinig sa Senate Committee on Energy na mahigit 70 transmission project ang kasalukuyang naantala kasama na rito ang anim na proyekto na itinuturing bilang national significance.
Ayon kay Sen. Gatchalian, dapat parusahan at pagmultahin ang NGCP upang madisiplina at maitama ang kanilang pagbibigay serbisyo sa publiko.
Iginiit ng senador na hindi dapat isawalang bahala ang naantalang mga serbisyo ng NGCP na hanggang ngayon ay hindi parin napapanagot dahil wala pang ipinapataw na kaukulang parusa.
Hinimok din ng mambabatas ang ERC na repasuhin ang rate-setting methodology pagdating sa transmission projects ng NGCP dahil 40 taon nang naantala ang proyekto kung saan, posibleng naaabuso na ng korporasyon, ang paninigil o pangongolekta sa mga konsyumer.