Sinupalpal ng isang consumer welfare group ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) at Energy Regulatory Commission (ERC) sa kabiguang mapigilan ang power shortage sa Luzon.
Nito lamang Lunes ay isinailalim ng NGCP sa yellow at red alerts ang Luzon Grid dahil sa pagnipis ng reserbang kuryente mula sa mga power plant.
Ayon kay kuryente DOT Org National Coordinator Nic Satur Junior, hindi pa natutupad ng NGCP ang system upgrades na ipinangako nito noon upang mapigilan ang power shortage.
Ipinangako anya ng NGCP na isasakatuparan nito sa unang bahagi ng 2022 ang Mindanao-Visayas Interconnection Project para makatulong sa power supply situation sa Luzon pero walang nangyari.
Pinuna rin ni Satur ang kawalang-aksyon ng ERC sa mga unscheduled maintenance ng mga planta.
Bagaman maaari naman anyang pagmultahin ng ahensya ang mga power firm, napakaliit naman ng halaga ng multa kumpara sa kinikita ng mga kumpanya.