Mas malaking problema ang maaaring kaharapin sa patuloy na pagnipis ng power reserves sa Luzon grid.
Ito ang pangamba ng National Grid Corporation of the Philippines matapos isailalim sa yellow at red alert ang Luzon grid dahil sa kakulangan ng power reserve sa gitna ng lumalaking demand.
Ayon kay NGCP spokesperson, Atty. Cynthia Alabanza, dapat tutukan ng gobyerno at stakeholders ang mga hakbang upang mas maging matatag ang buong power system ng bansa.
Bilang bahagi anya ng ordinaryong operasyon, may mga pagkakataong papalpak ang mga power plant maging ang distribution grid.
Sa katunayan, aminado si Alabanza na may ilang planta na ang kasalukuyang naka-forced outage o unplanned maintenance schedule.
Noong Lunes lumagpak sa 10,727 megawatts ang power reserves kaya’t kinapos para sa peak demand na 10,585 megawatts.