Pinagpapaliwanag ni Senador Risa Hontiveros ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) sa palpak umanong serbisyo sa kabila ng bilyun-bilyong pisong kinikita nito.
Tinawag pa ni Hontiveros na unang hakbang para sa accountability ang show cause order ng Energy Regulatory Commission na nag-oobliga sa NGCP na ipaliwanag ang kabiguang sumunod sa mga polisiya upang matiyak ang stability ng power grid.
Ayon sa Senadora, bagaman nakapapagod humingi ng paliwanag sa paulit-ulit na problema, kailangang managot ang NGCP.
Kung hindi anya ito gagawin ay palagi na lamang i-ho-hostage ang gobyerno.
Hinimok din ng mambabatas ang ERC na mag-isyu ng show cause orders sa generation companies na magkakasunod na nag-offline dahilan ng power outages sa Luzon.
Inisyu ang show cause order dahil sa kabiguan ng NGCP na sumunod sa mga patakaran ng Department of Energy noong October 2021.
Kabilang dito ang pagkontrata ng ancillary services na ayon sa ERC ay kailangang suporta para sa transmission ng kuryente mula sa resources patungo sa loads habang pinananatili ang reliable operation ng grid. —ulat mula kay Cely Ortega Bueno (Patrol 19)