PINURI ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) matapos makumpleto ang Cebu-Negros-Panay (CNP) Backbone Project na kanyang inilarawan bilang isang mahalagang kaganapan sa pagsisikap nitong matamo ng bansa ang matatag at maaasahang power infrastructure.
Ginawa ni PBBM ang pahayag matapos pangunahan ang inagurasyon at sabayang pagpapagana ng CNP sa Bacolod City, Negros Occidental.
Ayon sa Pangulo, dapat kilalanin ang NGCP para sa matagumpay na pagtatapos ng 230 kilovolt backbone project na aniya’y nagpapakita ng matibay nitong pangako sa pamahalaan na ma-empower ang mga komunidad, mapalakas ang connectivity at magkaroon ng magandang kinabukasan para sa mga susunod na henerasyon.
“We must recognize NGCP for the successful completion of this CNP. The completion of this project is a milestone in our pursuit to enhance the resilience and reliability of our power infrastructure, especially in this area,” ayon kay Marcos.
Maliban sa pagkakaroon ng matibay na sistema ng transmisyon, binigyang-diin ni Pangulong Marcos ang pangangailangan para sa mas maraming power generation sa Visayas upang mapanatili ang pangangailangan ng lugar, kasabay ng panawagan sa mga stakeholders na tukuyin ang mga angkop na lokasyon na maaaring mag-host ng mga bagong baseload generation plants, renewable energy at energy storage systems.
“This will bolster energy sufficiency and sustainability in Negros and Panay,” sabi ng Presidente.
Kasabay nito, pinuri rin ng Pangulo ang pagsasanib-pwersa ng mga ahensya ng gobyerno, lokal na pamahalaan, at mga pribadong may-ari ng lupa, lalo na sa pag-iisyu ng mga permit para sa mga proyekto sa enerhiya, at pagpapabilis ng pagkuha ng right of way (ROW) para sa sistema ng transmisyon at distribusyon.
“This project serves as a testament to the fruits that we can all harvest if we continue to work together to drive our nation’s energy agenda and forge a more sustainable future for the Filipino people,” dagdag pa ni PBBM.
Samantala, sinabi naman ni Atty. Cynthia Alabanza, Assistant Vice President (AVP) at head ng Public Relations Department ng NGCP, na ang CNP ay makakatulong sa pagpapalakas ng resistensya ng Visayas sa panahon ng mga power interruptions.
Aniya, para maiwasan ang blackout at magkaroon ng tuloy-tuloy na suplay ng kuryente, mahalagang magkaroon pa ng mga planta sa rehiyon.
“Pero hindi lang tayo d’yan dapat nakasalalay. Kailangan natin ng mas maraming stable power supply in each island para maiwasan na ang blackout,” pahayag ni Alabanza.