Walang nakikitang magiging problema sa suplay ng kuryente ang NGCP o National Grid Corporation of the Philippines sa pagbubukas ng klase sa Lunes.
Sinabi ni NGCP Spokesperson Atty. Cynthia Alabanza na nananatiling stable ang suplay ng kuryente sa Luzon at malaking tulong ang pagdedeklara ng PAGASA o Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration na natapos na ang panahon ng tag – init.
Malaking challenge aniya para sa kanila kung papaano tutugunan ang pangangailangan sa Luzon nitong tag – init, lalo na at nalagpasan na nito ang konsumo noong nakakaraang taon.
“Ang magandang balita ho, sinabi ng PAGASA na tapos na ho ang panahon tag-init, parati ho naming kinakatakutan yan dahil ho ang lakas ho ng pagtaas ng gamit ng mga tao sa kuryente. Noong nakaraang taon ho, ang pinakamataas na gamit ng Luzon ay 9,700 megawatts, ngayong taon ho ay lumagpas na ho tayo ng 10, 000”, ani Alabanza.
Pasilidad ng NGCP sa Marawi apektado na ng bakbakan
Naapektuhan na ng bakbakan sa Marawi ang pasilidad ng NGCP o National Grid Corporation of the Philippines na nagsusuplay ng kuryente sa Mindanao State University o MSU.
Ayon kay NGCP Spokesperson Atty. Chynthia Alabanza, ito lang naman ang naapektuhan ng bakbakan pero nananatiling maayos at ligtas ang iba pa nilang pasilidad sa rehiyon.
Mayroon din aniya silang dalawang (2) tauhan na istranded sa kanilang istasyon sa Marawi at nahahatiran lang ang mga ito ng suplay sa tulong ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
“Ang mga pasilidad ng NGCP sa Mindanao ay maayos parin at maganda ang pagdaloy ng kuryente sa buong isal ng Mindanao. Isang pasilidad na nagseserbisyo sa Mindanao State University nadamay ho sa putukan at meron rin ho kaming mga tauhan, dalawa ho sila, na nung nakaraang linggo pa, ni hindi pa ho nakakauwi dahil hindi nila maiwanan ang kanilang estasyon at hindi rin ho sila makalikas dahil andun na ho ang putukan”, bahagi ng pahayag ni Alabanza.
By Katrina Valle | Balitang Todong Lakas & Balitang Todong Lakas Programs (Interview)