Hinamon ng isang Senador ang National Housing Authority na maging mas agresibo ngayong pumalo na sa anim na milyong unit ang backlog sa pabahay sa bansa.
Kasabay nito, dinepensahan ni Senator Imee Marcos ang panukala niyang palawigin ang corporate term at palakasin ang kapangyarihan ng NHA.
Sa plenary session ng Senado, sinabi ni “Super ate”, Chairperson ng Senate Committee on Urban Planning, Housing and Resettlement na tutol noon ang Department of Finance sa extension ng termino ng NHA sa ilalim ng senate bill no. 2818 dahil sa mababang performance at koleksyon nito.
Pero nagbago na aniya ang posisyon ng DOF at isinusulong na ngayon ang restructuring ng ahensya at ibalik ang orihinal nitong katungkulan.
Sinabi ni Senador Marcos na kinakailangan pa ang mga amyenda sa panukala dahil isinusulong lamang ng kasalukuyang senate bill ang 50-taong term extension ng NHA, pagtataas sa 10-bilyong pisong kapital nito at pagdaragdag ng disaster housing function.
Una nang sinabi ng mambabatas na layon din ng kanyang panukala na makapagpatayo ang NHA ng ‘disaster-proof’ na mga pabahay para sa mga Pilipino.
Bubuo rin ito ng bagong tanggapan na tatawaging Disaster and Emergency Response Housing Office para tutukan ang calamity response at disaster housing support sa mga tinaguriang hard-hit community sa bansa.