Mapipilitan na ang NHA o National Housing Authority na gamitin ang puwersa nito para mapaalis ang mga miyembro ng KADAMAY o Kalipunan ng Damayang Mahihirap sa mga inokupahan nilang pabahay sa Bulacan.
Ito’y makaraang hindi tanggapin ng grupo ng mga maralita ang isinilbi sa kanilang eviction notice kahapon para mapayapang lisanin ang mga proyekto ng pamahalaan.
Nakasaad sa ipinaskil na eviction notice ng NHA, magpapatupad sila ng force eviction kapag patuloy na nagmatigas ang grupo hanggang sa susunod na linggo.
Batay sa Presidential Decree 1472 na ipinalabas ni dating Pangulong Ferdinand Marcos, binibigyan ng pitong (7) araw ang mga iligal na umookupa sa mga pabahay ng gobyerno mula sa araw na silbihan sila ng abiso para kusang lisanin ang isang lugar.
By Jaymark Dagala