Sinisisi ng grupong Kadamay ang NHA o National Housing Authority na aniyo’y gawa ng gawa ng bahay na hindi naman napapakinabangan.
Ayon kay Gloria Arellano, pinuno ng Kadamay, mismong ang mga pulis na ang nagsasabing ayaw nilang tumira sa mga housing units na inilaan sa kanila dahil masyadong maliit at malaki pa ang magagastos sa pagpapagawa sa loob ng bahay.
PAKINGGAN: Pahayag ni Gloria Arellano pinuno ng grupong Kadamay sa panayam ng DWIZ
Mga nakatiwangwang na housing units dapat nang mapakinabangan ng mga Pilipino
Dapat nang mapakinabangan ng mga Pilipinong walang sariling bahay ang mga nakatiwangwang na housing units lalo na ang mga inilaan sa mga sundalo at pulis.
Binigyang diin ito sa DWIZ ni Gloria Arellano, matapos mabunyag sa pagdinig ng senado ang halos 14% lamang na occupancy rate sa mga naturang housing units.
Ayon kay Arellano, maging ang mga miyembro ng ibang grupo na walang bahay ay dapat ding makinabang sa programang pabahay ng grupo.
PAKINGGAN: Bahagi ng pahayag ni Gloria Arellano pinuno ng grupong Kadamay sa panayam ng DWIZ
Mga miyembro ng Kadamay kailangan munang dumaan sa vetting procedure – NHA
Iginiit ng NHA o National Housing Authority na kailangan munang dumaan sa vetting procedure ng mga miyembro ng Kadamay bago maibigay sa kanila ang housing units na una na nilang inukupahan.
Sinabi ni NHA Spokesperson Elsie Trinidad na hindi automatic na makukuha na ng Kadamay member ang inukupahan nitong unit dahil dapat pang suriin ang kuwalipikasyon ng mga ito para maging beneficiary ng pabahay program.
Naipaliwanag na aniya nila sa mga miyembro ng Kadamay na matapos makuha ang kanilang mga pangalan at ma-profile ay ive-vet ang mga ito sa kanilang database para mabatid kung sila ay dati nang nabigyan ng pabahay.
Ayon kay Trinidad, ang mga unit sa ilalim ng AFP-PNP housing project na una nang tinukoy ng AFP-PNP Housing Board na hindi kabilang sa master list hanggang noong June 15 ay uubra nang i-award sa Kadamay members kapag nabigyan ng otoridad ng kongreso ang NHA para maipamahagi sa mga alternative beneficiaries tulad ng nasa informal sector, mga guro at barangay officials.
By Judith Larino