Handa si National Irrigation Administration (NIA) Chief Ricardo Visaya na humarap sa pagdinig ng Senado hinggil sa pagpapalabas nito ng tubig ng Magat dam na umano’y naging dahilan ng pagbaha sa Cagayan at Isabela.
Sinabi ni Visaya na ang imbestigasyon ay pagkakataon para marepaso ng ahensya ang kanilang operation protocols.
Ayon kay Visaya dokumentado ang naging pagkilos ng reservoir dam division sa Magat dam at handa silang ipakita ito sa pagdinig ng kongreso.
Iginiit ni Visaya na sinunod ng nia ang protocols sa pagpapalabas ng tubig mula sa mga dam dalawa o tatlong araw bago dumating ang isang bagyo.
Mayroon aniya silang sinusunod na rule curve kung saan itinatakda ang antas ng tubig na dapat ipalabas ngayong araw na ito o sa isang buwan.
Una nang isinulong nina Senador Francis Pangilinan at Risa Hontiveros na masilip ng senado ang malawakang pagbaha sa Cagayan, Rizal at Marikina City sa kasagsagan ng pagbayo ng bagyong Ulysses.