Napatay ng pulisya ang isang Nigerian national matapos umano itong manlaban sa isinagawang buy-bust operation ng Philippine Drug Enforcement Group ng Philippine National Police sa Pasig City nitong Lunes.
Pahayag ni Pasig Police Chief Moises Villaceran Jr, ikinasa ang buy-bust operation bilang bahagi ng serye police operation kontra sa sindikato ng droga na mga umano’y Nigerian nationals na nasa bansa.
Paliwanag ng hepe natunugan umano ng suspek ang katransaksyon nitong pulis kung kaya’t lumaban ito, subalit ang backup na pulis ang siyang bumaril sa Nigerian na ikinamatay ng suspek.
Ayon pa kay Villaceran, batay sa datos ng pulisya sa pamamagitan ng PNP drug enforcement group, lumalabas na utak ng grupo ang napatay na Nigerian at patuloy nilang kinukuha ang buong pangalan ng pinuno nito.
Paglilinaw naman ni Villaceran na walang kasama ang naturang suspek kaya’t patuloy na pinaghahanap ng pulisya ang mga kasamahan nitong nagbebenta umano ng droga sa Tarlac, Las Pinas at sa Pasig City at may plano rin umanong pasukin ang halos buong Luzon.
Tinatayang nasa 2 kilong hinihinalang iligal na droga ang nakumpiska sa napatay na suspek. —sa panulat ni Agustina Nolasco