Inaprubahan ng kongreso ang panukalang nagbibigay ng night shift differential pay sa mga empleyado ng gobyerno, kabilang ang mga nasa government owned o controlled corporations.
Sa ulat ng Bicameral Conference Committee pasado na sa senado at ng kapulungan ng mga kinatawan ang Senate Bill 643 at House Bill 9458.
Sa ilalim ng panukalang batas, ang mga empleyado ng gobyerno na sakop ng mga posisyon ng Division Chief at mas mababa, permanente, kontraktwal, pansamantala o kaswal na empleyado man ay babayaran ng night differential na hindi hihigit sa bente porsiyento ng kanilang hourly basic rate.
Ito ay applicable para sa bawat oras ng gawaing isinagawa sa pagitan ng alas-sais ng gabi at alas-sais ng umaga ng susunod na araw.
Hindi naman saklaw ng batas ang mga empleyado ng gobyerno na ang iskedyul ng oras ng opisina ay nasa pagitan ng 6 p.m. at 6 a.m., at ang mga uniforemed personnel tulad ng AFP, PNP, BJMP at BFP.
Samantala, ipapadala na ang panukalang batas kay Pangulong Duterte para lagdaan.—sa panulat ni Mara Valle